Saturday, August 25, 2007
Nang Itaas Niya Ang Kanyang Kamay
pondered last 10:49 AM
Ito ang aking entry para sa Filipina Writing Project. Kahit 'di ako babae, may masasabi pa rin ako tungkol sa mga babae.
Lahat ng mga nangyari dito ay kathang-isip lamang. Kung ako ma'y makasakit, ngayon pa lang ay nagpapatawad na ako.
"Nang Itaas Niya Ang Kanyang Kamay"
Sa isang madilim na eskinita sa puso ng Maynila, may isang dalagang nababalutan ng liwanag. Napakaganda niya mula sa kanyang mala-anghel na mukha hanggang sa kanyang mga munting paa. Sino bang hindi makakapansin sa kanya, diba? Pero ang malungkot doon, ayun na nga... Walang masyadong lumilingon sa kanya.
Parati na lang siyang naaapi't nakakalimutan.
Iniisip siguro ng iba na mas maraming magaling sa kanya kaya hindi siya karapat-dapat na bigyan ng oras para masilayan man lang ang kanyang mukha. Baka rin nama'y minamaliit lang nila ang mga kakayahan niya kaya hindi raw dapat nila sinasayang ang oras nila sa kanya. Hindi ba't napakalungkot ng kanyang hinaharap? At ang masama rito, on a daily basis pa niya ito dinaranas.
Isang araw habang ang dalaga'y nakaupo't nakatitig sa kawalan, may lumapit sa kanyang kapwa-babae. Nagulat siya. Ito ang unang pagkakataong may pumansin sa kanya.
"Bakit ka nariyan?" sabi ng istranghero, "Halika, tumayo ka." Sabay niyang inabot ang kanyang kanang kamay sa dalaga't tinayo siya. Ang munting binibini ay namangha sa babaeng tumulong sa kanya. Hindi niya alam na ganito pala ang mga kababaihan ngayon. Binuksan ng istranghero ang kanyang bibig at nagsalita.
"Alam mo, tayong mga kababaihan ay pare-pareho lang. Minsa'y hindi nakikita ng iba ang mga kakayahan at ang kagandahan natin. Pero kahit ganoon, alam naman natin sa sarili natin na magagaling tayo't kayang nating maging kilala at karespe-respeto basta gusto't pinagsisikapan natin."
Tumahimik ang babae habang nakatitig sa mga mata ng dalaga. Pinakikinggan nila ang mga tunog ng pagratsada ng mga jeepney at ang pagsigaw ng mga tao sa kanilang paligid.
"Balot! Balot!"
"Walang hiya kang hinayupak ka!"
"Mahal mo ba talaga ako?"
"Nay, natanggap ko na ang Visa ko!"
"Mare, kamusta na?"
Bumuka nanaman ang mga labi ng estranghero, hinawakan ang malambot na mga kamay ng dalaga't nagsalita. "Hayaan mo, kapag inaway ka ng isa man o ng dalawang kung sino man, haharapin NATIN sila. We women have each other's backs, kaya wala kang kailangang alalahanin kapag may gustong makipag-away sayo." Pagkatapos nito'y lumakad siya papunta sa dagat ng mga di-kilalang mukha.
Nagkaroon siya ng ngiti sa kanyang mukha at lumabas mula sa madilim at malamig na eskinita. Pero hindi nagtagal at nawala rin ito dahil tinulak siya ng isang malaki't nakakatakot na lalaki. Tumigil ang lahat ng tao na nakapalibot sa kanila.
"Ano ba?!" wika ng lalaki, "Ang tanga-tanga mo naman! 'Di ka tumitingin sa dinadaanan mo! Hah, wala na bang matinong Pilipina ngayon?"
Nakakunat na ang noo ng dalaga noon. Oras na para marinig ang tinig niya't lumaban.
Itinaas niya ang kanyang kamay at sinabing "Ako. Pilipina ako."
"Ako rin!" sigaw pa ng isang babae. Hindi nagtagal at isa-isa nang sumigaw ng "ako rin" ang mga kababaihan sa paligid. Hindi na siguro kinaya ng lalaki kaya tumakbo siya pabalik sa kanyang pinanggalingan. Bumalik sa mga normal na gawain ang mga babae.
Nagtanggal ang magandang dalaga ang alikabok na nakuha niya sa pagkahulog niya't sumama sa mga taong naglalakad at tumungo siya sa direksyon ng araw, ang kanyang kinabukasan.
|
Wednesday, August 22, 2007
pugad - matalik na kaibigan
pondered last 8:46 PM
Nagpagawa siya ng post. Gusto ko siyang gawan ng post. Ipapamahagi ko sa mundo ang kaanuhan niya.
...err, di naman siguro sa buong mundo. Kung sino lang ang babasa nito.:P
Siya na siguro ang pinakamatalik sa mga pinakamatalik kong mga kaibigan ngayon. Para sayo 'to tol.:)
May nakita akong bagong estudyante noong ako'y nasa ikaunang taon sa mataas na paaralan pa lamang. Kayumanggi ang kulay, kasingpayat ng sanga ng puno (siguro 'di naman ganoon kapayat.:P) at mukhang siga. Oo, akala ko talaga dati siga yung loko-lokong yun. Nagkasundo kami niyan noong unang tatlong araw ng pasukan. Di nagtagal, nakahanap na ng tropa niya. Hinayaan ko na siya dun. Bahala siya. Nang lumipas ang isang taon, doon ako naging mas malapit sa kanya. Tuloy-tuloy na yun hanggang sa umabot sa ganito.
Marami na kaming pinagdaanan niyang kaibigang kong yan. Mula sa pagtutulungan sa mga pinapagawa sa eskwelahan hanggang sa pagtutulungan sa mga problemang personal, walang iwanan sa aming dalawa. 'Di lang yun. Marunong rin naman kami magsaya diba. Kung anu-anong kalokohan ang pinapasok naming dalawa. Kahit mapagalitan, basta magkasama't masaya, ayos lang.
Wala akong matandaang panahon na nag-away kami nito. Mahaba siguro ang pasensya niya sa akin kahit na napakakulit ko't lahat-lahat. Naiintindihan niya ko mula sa labas hanggang sa loob. Ganyan ang tunay na kaibigan. Tanggap ka pa rin bilang isang mabuting nilalang kahit na may mga mali na bagay sa iyo.
Natandaan ko lang... Inaasar namin 'to dati ng kaklase ko na may pugad siya sa ulo dahil dun sa buhok niya. Natatak lalo yung pangalan niya sa isip ko dahil dun. Para kapag may nakalimutan akong tungkol sa kanya, sasabihin ko lang na "Ay ganito si pugad sa ulo't airport ng mga langaw." Hindi ko na talaga makakalimutan 'tong 'may-liparan-ng-langaw-sa-ulo' na 'to.
Kahit gaano kahirap ang buhay, sinasamahan niya ko't sinasamahan ko siya... sa bawa't ngiti't simangot... walang iwanan...
Mga magbabasa, gusto ko lang sanang ipakilala ang isa sa mga taong tumulong para maging ganito ako ngayon... ang napakatalik kong kaibigan... si Andre Lorenz Bugas.
|
Monday, August 20, 2007
Kapag Kumagat Ang Laman ng Pitaka
pondered last 3:01 PM
Walang taong hindi pamilyar sa salitang pera. Maging bata ka man o matanda, nasa bokabularyo na natin yan. Paano ba naman, araw-araw nating kailangan nito. Tignan mo, panligo natin, kailangan na ng pera. Bago tayo makakain ng masarap na chicken galing sa isang sikat na kainan na may higanteng pulang bubuyog, kailangan muna maglabas ng pera. Bago tayo makatulog sa isang kwarto na halos kasinglamig ng sinehan sa SM, kailangan muna maglabas ng pera. Pera, pera, pera. Ang pera ay ginawa raw para maging sistemado ang pagpapalit ng mga produkto. Para ito sa pagmamanipula ng mga yaman. Para ito sa--blablablablablabla... Ganun nga siguro kaimportante ang pera 'no. Kung wala siguro nun, sasabong na yung pinakaloob ng mundo natin kasi sa sobrang pagkuha mula sa mga gubat at kung saan, magalit ang ating nanay kalikasan. May mga oras nga lang na napapasok na ng mga barya't papel na yan ang mga utak natin. Bakit hindi, diba? Kung kaya nga naman ng mga 'to na ibigay sayo lahat ng kailangan mo para mabuhay, ba't hindi? May parte rin naman ng isip natin na humahanap ng kaligayahan at lahat yun. Marami ngayon ang nag-aaway dahil sa mga pocket-size na mga halimaw na yan. Merong mga baon sa utang sa kakalista sa tindahan, mga nag-aaway na pamilyang mapalad at hindi, nakawan ng pitaka at napakarami pang mga sitwasyon. Dito siguro pumapasok yung pagiging makasarili ng mga tao. Di naman maiiwasan yun eh, lalo na kung tungkol yun sa mga kakailanganin mo sa buhay mo. Pera nga naman e 'no, kung anu-ano ang nagagawa sa mga utak ng mga tao. Ayoko naman maging bias 'no. Nagmukha naman akong may galit sa pera. Basta alam ko, kundi gulo ang dinadala ng pera sa mga relasyon ng tao sa isa't isa, pagkakaisa ang naibibigay nito lalo na't kung ipinapamahagi mo yung pera mo sa mga nangangailangan. Nakatulong ka na nga, napalakas pa lalo ang samahan niyo, diba? Kung ako ang tatanungin, ayos lang naman sakin lahat 'to e. Ayoko lang nang nagkakagulo dahil dito. Nakakalungkot kaya, diba? Kapag kumagat nga naman ang mga laman ng pitaka natin eh 'no...
|
Sunday, August 19, 2007
Ang Mga Kasama ni Palaka -- nagbabalik.:p
pondered last 11:06 PM
At eto nanaman ako sa pagsusulat ng aking mga kaanuhan. Oo, ginanahan nanaman akong magsulat at mag-update ng blog. Salamat kay utakgago para sa ideyang hindi naman niya talaga sinabi pero pinakita niya.:P
Inaalay sa isang malapit na kaibigan.
"Ang Mga Kasama ni Palaka" Isang araw sa isang lugar na ubod ng layo mula sa Manila, may prinsipeng natutulog sa isang napakalaking kastilyo na sa bawat sulok ay may makikita kang babae. Oo, mahilig siya sa mga babaeng maganda't makorte. Pero minsan, napapasobra ang pagsasamantala niya. Marami tuloy ang nagagalit sa kanya.
Nagkataon na lang na isang araw, yung isang babaeng pinagsamantalahan niya ay isang salamangkera. Sinumpa siya na pagkagising niya kinabukasan ay magiging palaka na siya. Hindi naman siya naniwala at tinuloy lang ang kanyang pananamantala habang ang babae ay bumubulong sa sarili.
Oras na para matulog ang prinsipe. Buong hapon niyang inisip yung mga sinabi ng babae sa kanya. Pero dinaan niya na lang sa tulog para maalis sa utak niya.
Nanaginip siya noong gabing iyon. Napanaginipan niyang hinahabol siya ng sandamakmak na mga babae. Lumiko raw siya sa isang eskinita't naloko yung mga babae. Pero may lumabas raw na isang malaking palaka mula sa kadiliman. Tinira niya ang prinsipe gamit ang kanyang napakalaki't napakahabang dila at linamon.
Nagising sa bandang ito ang munti nating bida. TUMALON na lang siya papunta sa bintana. Pero napansin niyang hindi na niya masyadong abot yung bintana. Kaya nangamba siya't sinabi sa sarili niya na baka nagkatotoo yung sinabi nung babae sa kanya. Natakot siyang tignan yung mga kamay niya. Pero unti-unti siyang tumungo. Nakita niyang may balat sa pagitan ng mga daliri niya't kulay berde ang mga ito. Agad siyang tumalon papunta sa salamin at nakita ang sarili niya.
"HUWAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAA!!!"
Nakarinig na lang ang buong kastilyo ng isang napakalakas na sigaw. Nakita ng prinsipe sa salamin ang sarili niya. Punong-puno siya ng kulugo, kulay berde ang kanyang buong katawan, lumaki ang mga mata niya't humaba ang kanyang mga paa. Hinimatay siya sa sobrang pagkagulat.
Pinasok ng mga gwardya ang kanyang kwarto dahil nga sumigaw siya nang napakalakas. Nakita nilang nawawala ang prinsipe at may nakahilatay na malaking palaka sa sahig. Kaya inakala nilang kinain nung palakang iyon yung prinsipe. Kaya tinapon nila ang palaka, este, ang prinsipe sa isang gubat malayo sa kastilyo.
Nang nagkaroon na ng malay ang ating bida, nagulat na lang siya na nasa gitna siya ng mga puno. Puro berde ang nakikita niya. Berdeng mga dahon, berdeng mga damo, malaberdeng sapa, berdeng lumot, berdeng mga kamay, berdeng mga hita, berdeng lahat! Napaiyak na lang siya bigla. Naisip niyang mas lalong hindi siya magkakaroon ng mga kaibigan dahil sa itsura niya. Napatigil siya sa pag-iyak nang may narinig siyang naglalakad sa damuhan. Tinago na lamang niya ang mukha niya habang palapit nang palapit ang tao sa kanya.
Kinalabit siya nito't nagpakilala. Isa raw siyang mangangaso pero nawawala raw ang aso niya. Kaya tinanong niya ang prinsipe kung gusto niyang sumama sa kanya. Tumingin ang prinsipe sa mukha niya ngunit walang reaksyon ang mangangaso. Napangiti siya't sumama na sa mabait na lalaki.
May nakita silang isang giraffe na nangailangan ng tulong para abutin yung pinakahuling dahon sa isang puno. Kaya tinalon ito ng prinsipe't pinakain. Para mapakita ang kanyang pasasalamat, sumama na rin siya sa kanilang dalawa. Tinanong ng prinsipe ang dalawa kung bakit hindi sila napapangitan sa itsura niya.
"Wala sa labas yan. Di mo siguro napapansin, pero lahat ng nilalang ay may puso. Kahit gaano ka man kasama o kapangit, hindi mawawalan ng mabuting asal ang puso."
Pagkasabi nito, naglakad pa sila papunta sa direksyon ng lumulubog na araw na may ngiti sa kanilang mga mukha, lalo na ang ating bida.
|