Sunday, August 19, 2007
Ang Mga Kasama ni Palaka -- nagbabalik.:p
pondered last 11:06 PM
At eto nanaman ako sa pagsusulat ng aking mga kaanuhan. Oo, ginanahan nanaman akong magsulat at mag-update ng blog. Salamat kay utakgago para sa ideyang hindi naman niya talaga sinabi pero pinakita niya.:P
Inaalay sa isang malapit na kaibigan.
"Ang Mga Kasama ni Palaka" Isang araw sa isang lugar na ubod ng layo mula sa Manila, may prinsipeng natutulog sa isang napakalaking kastilyo na sa bawat sulok ay may makikita kang babae. Oo, mahilig siya sa mga babaeng maganda't makorte. Pero minsan, napapasobra ang pagsasamantala niya. Marami tuloy ang nagagalit sa kanya.
Nagkataon na lang na isang araw, yung isang babaeng pinagsamantalahan niya ay isang salamangkera. Sinumpa siya na pagkagising niya kinabukasan ay magiging palaka na siya. Hindi naman siya naniwala at tinuloy lang ang kanyang pananamantala habang ang babae ay bumubulong sa sarili.
Oras na para matulog ang prinsipe. Buong hapon niyang inisip yung mga sinabi ng babae sa kanya. Pero dinaan niya na lang sa tulog para maalis sa utak niya.
Nanaginip siya noong gabing iyon. Napanaginipan niyang hinahabol siya ng sandamakmak na mga babae. Lumiko raw siya sa isang eskinita't naloko yung mga babae. Pero may lumabas raw na isang malaking palaka mula sa kadiliman. Tinira niya ang prinsipe gamit ang kanyang napakalaki't napakahabang dila at linamon.
Nagising sa bandang ito ang munti nating bida. TUMALON na lang siya papunta sa bintana. Pero napansin niyang hindi na niya masyadong abot yung bintana. Kaya nangamba siya't sinabi sa sarili niya na baka nagkatotoo yung sinabi nung babae sa kanya. Natakot siyang tignan yung mga kamay niya. Pero unti-unti siyang tumungo. Nakita niyang may balat sa pagitan ng mga daliri niya't kulay berde ang mga ito. Agad siyang tumalon papunta sa salamin at nakita ang sarili niya.
"HUWAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAA!!!"
Nakarinig na lang ang buong kastilyo ng isang napakalakas na sigaw. Nakita ng prinsipe sa salamin ang sarili niya. Punong-puno siya ng kulugo, kulay berde ang kanyang buong katawan, lumaki ang mga mata niya't humaba ang kanyang mga paa. Hinimatay siya sa sobrang pagkagulat.
Pinasok ng mga gwardya ang kanyang kwarto dahil nga sumigaw siya nang napakalakas. Nakita nilang nawawala ang prinsipe at may nakahilatay na malaking palaka sa sahig. Kaya inakala nilang kinain nung palakang iyon yung prinsipe. Kaya tinapon nila ang palaka, este, ang prinsipe sa isang gubat malayo sa kastilyo.
Nang nagkaroon na ng malay ang ating bida, nagulat na lang siya na nasa gitna siya ng mga puno. Puro berde ang nakikita niya. Berdeng mga dahon, berdeng mga damo, malaberdeng sapa, berdeng lumot, berdeng mga kamay, berdeng mga hita, berdeng lahat! Napaiyak na lang siya bigla. Naisip niyang mas lalong hindi siya magkakaroon ng mga kaibigan dahil sa itsura niya. Napatigil siya sa pag-iyak nang may narinig siyang naglalakad sa damuhan. Tinago na lamang niya ang mukha niya habang palapit nang palapit ang tao sa kanya.
Kinalabit siya nito't nagpakilala. Isa raw siyang mangangaso pero nawawala raw ang aso niya. Kaya tinanong niya ang prinsipe kung gusto niyang sumama sa kanya. Tumingin ang prinsipe sa mukha niya ngunit walang reaksyon ang mangangaso. Napangiti siya't sumama na sa mabait na lalaki.
May nakita silang isang giraffe na nangailangan ng tulong para abutin yung pinakahuling dahon sa isang puno. Kaya tinalon ito ng prinsipe't pinakain. Para mapakita ang kanyang pasasalamat, sumama na rin siya sa kanilang dalawa. Tinanong ng prinsipe ang dalawa kung bakit hindi sila napapangitan sa itsura niya.
"Wala sa labas yan. Di mo siguro napapansin, pero lahat ng nilalang ay may puso. Kahit gaano ka man kasama o kapangit, hindi mawawalan ng mabuting asal ang puso."
Pagkasabi nito, naglakad pa sila papunta sa direksyon ng lumulubog na araw na may ngiti sa kanilang mga mukha, lalo na ang ating bida.
|