Walang taong hindi pamilyar sa salitang pera. Maging bata ka man o matanda, nasa bokabularyo na natin yan. Paano ba naman, araw-araw nating kailangan nito. Tignan mo, panligo natin, kailangan na ng pera. Bago tayo makakain ng masarap na chicken galing sa isang sikat na kainan na may higanteng pulang bubuyog, kailangan muna maglabas ng pera. Bago tayo makatulog sa isang kwarto na halos kasinglamig ng sinehan sa SM, kailangan muna maglabas ng pera.
Pera, pera, pera.
Ang pera ay ginawa raw para maging sistemado ang pagpapalit ng mga produkto. Para ito sa pagmamanipula ng mga yaman. Para ito sa--blablablablablabla... Ganun nga siguro kaimportante ang pera 'no. Kung wala siguro nun, sasabong na yung pinakaloob ng mundo natin kasi sa sobrang pagkuha mula sa mga gubat at kung saan, magalit ang ating nanay kalikasan.
May mga oras nga lang na napapasok na ng mga barya't papel na yan ang mga utak natin. Bakit hindi, diba? Kung kaya nga naman ng mga 'to na ibigay sayo lahat ng kailangan mo para mabuhay, ba't hindi? May parte rin naman ng isip natin na humahanap ng kaligayahan at lahat yun.
Marami ngayon ang nag-aaway dahil sa mga pocket-size na mga halimaw na yan. Merong mga baon sa utang sa kakalista sa tindahan, mga nag-aaway na pamilyang mapalad at hindi, nakawan ng pitaka at napakarami pang mga sitwasyon. Dito siguro pumapasok yung pagiging makasarili ng mga tao. Di naman maiiwasan yun eh, lalo na kung tungkol yun sa mga kakailanganin mo sa buhay mo. Pera nga naman e 'no, kung anu-ano ang nagagawa sa mga utak ng mga tao.
Ayoko naman maging bias 'no. Nagmukha naman akong may galit sa pera. Basta alam ko, kundi gulo ang dinadala ng pera sa mga relasyon ng tao sa isa't isa, pagkakaisa ang naibibigay nito lalo na't kung ipinapamahagi mo yung pera mo sa mga nangangailangan. Nakatulong ka na nga, napalakas pa lalo ang samahan niyo, diba?
Kung ako ang tatanungin, ayos lang naman sakin lahat 'to e. Ayoko lang nang nagkakagulo dahil dito. Nakakalungkot kaya, diba?
Kapag kumagat nga naman ang mga laman ng pitaka natin eh 'no...