Saturday, August 25, 2007
Nang Itaas Niya Ang Kanyang Kamay
pondered last 10:49 AM
Ito ang aking entry para sa Filipina Writing Project. Kahit 'di ako babae, may masasabi pa rin ako tungkol sa mga babae.
Lahat ng mga nangyari dito ay kathang-isip lamang. Kung ako ma'y makasakit, ngayon pa lang ay nagpapatawad na ako.
"Nang Itaas Niya Ang Kanyang Kamay"
Sa isang madilim na eskinita sa puso ng Maynila, may isang dalagang nababalutan ng liwanag. Napakaganda niya mula sa kanyang mala-anghel na mukha hanggang sa kanyang mga munting paa. Sino bang hindi makakapansin sa kanya, diba? Pero ang malungkot doon, ayun na nga... Walang masyadong lumilingon sa kanya.
Parati na lang siyang naaapi't nakakalimutan.
Iniisip siguro ng iba na mas maraming magaling sa kanya kaya hindi siya karapat-dapat na bigyan ng oras para masilayan man lang ang kanyang mukha. Baka rin nama'y minamaliit lang nila ang mga kakayahan niya kaya hindi raw dapat nila sinasayang ang oras nila sa kanya. Hindi ba't napakalungkot ng kanyang hinaharap? At ang masama rito, on a daily basis pa niya ito dinaranas.
Isang araw habang ang dalaga'y nakaupo't nakatitig sa kawalan, may lumapit sa kanyang kapwa-babae. Nagulat siya. Ito ang unang pagkakataong may pumansin sa kanya.
"Bakit ka nariyan?" sabi ng istranghero, "Halika, tumayo ka." Sabay niyang inabot ang kanyang kanang kamay sa dalaga't tinayo siya. Ang munting binibini ay namangha sa babaeng tumulong sa kanya. Hindi niya alam na ganito pala ang mga kababaihan ngayon. Binuksan ng istranghero ang kanyang bibig at nagsalita.
"Alam mo, tayong mga kababaihan ay pare-pareho lang. Minsa'y hindi nakikita ng iba ang mga kakayahan at ang kagandahan natin. Pero kahit ganoon, alam naman natin sa sarili natin na magagaling tayo't kayang nating maging kilala at karespe-respeto basta gusto't pinagsisikapan natin."
Tumahimik ang babae habang nakatitig sa mga mata ng dalaga. Pinakikinggan nila ang mga tunog ng pagratsada ng mga jeepney at ang pagsigaw ng mga tao sa kanilang paligid.
"Balot! Balot!"
"Walang hiya kang hinayupak ka!"
"Mahal mo ba talaga ako?"
"Nay, natanggap ko na ang Visa ko!"
"Mare, kamusta na?"
Bumuka nanaman ang mga labi ng estranghero, hinawakan ang malambot na mga kamay ng dalaga't nagsalita. "Hayaan mo, kapag inaway ka ng isa man o ng dalawang kung sino man, haharapin NATIN sila. We women have each other's backs, kaya wala kang kailangang alalahanin kapag may gustong makipag-away sayo." Pagkatapos nito'y lumakad siya papunta sa dagat ng mga di-kilalang mukha.
Nagkaroon siya ng ngiti sa kanyang mukha at lumabas mula sa madilim at malamig na eskinita. Pero hindi nagtagal at nawala rin ito dahil tinulak siya ng isang malaki't nakakatakot na lalaki. Tumigil ang lahat ng tao na nakapalibot sa kanila.
"Ano ba?!" wika ng lalaki, "Ang tanga-tanga mo naman! 'Di ka tumitingin sa dinadaanan mo! Hah, wala na bang matinong Pilipina ngayon?"
Nakakunat na ang noo ng dalaga noon. Oras na para marinig ang tinig niya't lumaban.
Itinaas niya ang kanyang kamay at sinabing "Ako. Pilipina ako."
"Ako rin!" sigaw pa ng isang babae. Hindi nagtagal at isa-isa nang sumigaw ng "ako rin" ang mga kababaihan sa paligid. Hindi na siguro kinaya ng lalaki kaya tumakbo siya pabalik sa kanyang pinanggalingan. Bumalik sa mga normal na gawain ang mga babae.
Nagtanggal ang magandang dalaga ang alikabok na nakuha niya sa pagkahulog niya't sumama sa mga taong naglalakad at tumungo siya sa direksyon ng araw, ang kanyang kinabukasan.
|