Wednesday, August 22, 2007
pugad - matalik na kaibigan
pondered last 8:46 PM
Nagpagawa siya ng post. Gusto ko siyang gawan ng post. Ipapamahagi ko sa mundo ang kaanuhan niya.
...err, di naman siguro sa buong mundo. Kung sino lang ang babasa nito.:P
Siya na siguro ang pinakamatalik sa mga pinakamatalik kong mga kaibigan ngayon. Para sayo 'to tol.:)
May nakita akong bagong estudyante noong ako'y nasa ikaunang taon sa mataas na paaralan pa lamang. Kayumanggi ang kulay, kasingpayat ng sanga ng puno (siguro 'di naman ganoon kapayat.:P) at mukhang siga. Oo, akala ko talaga dati siga yung loko-lokong yun. Nagkasundo kami niyan noong unang tatlong araw ng pasukan. Di nagtagal, nakahanap na ng tropa niya. Hinayaan ko na siya dun. Bahala siya. Nang lumipas ang isang taon, doon ako naging mas malapit sa kanya. Tuloy-tuloy na yun hanggang sa umabot sa ganito.
Marami na kaming pinagdaanan niyang kaibigang kong yan. Mula sa pagtutulungan sa mga pinapagawa sa eskwelahan hanggang sa pagtutulungan sa mga problemang personal, walang iwanan sa aming dalawa. 'Di lang yun. Marunong rin naman kami magsaya diba. Kung anu-anong kalokohan ang pinapasok naming dalawa. Kahit mapagalitan, basta magkasama't masaya, ayos lang.
Wala akong matandaang panahon na nag-away kami nito. Mahaba siguro ang pasensya niya sa akin kahit na napakakulit ko't lahat-lahat. Naiintindihan niya ko mula sa labas hanggang sa loob. Ganyan ang tunay na kaibigan. Tanggap ka pa rin bilang isang mabuting nilalang kahit na may mga mali na bagay sa iyo.
Natandaan ko lang... Inaasar namin 'to dati ng kaklase ko na may pugad siya sa ulo dahil dun sa buhok niya. Natatak lalo yung pangalan niya sa isip ko dahil dun. Para kapag may nakalimutan akong tungkol sa kanya, sasabihin ko lang na "Ay ganito si pugad sa ulo't airport ng mga langaw." Hindi ko na talaga makakalimutan 'tong 'may-liparan-ng-langaw-sa-ulo' na 'to.
Kahit gaano kahirap ang buhay, sinasamahan niya ko't sinasamahan ko siya... sa bawa't ngiti't simangot... walang iwanan...
Mga magbabasa, gusto ko lang sanang ipakilala ang isa sa mga taong tumulong para maging ganito ako ngayon... ang napakatalik kong kaibigan... si Andre Lorenz Bugas.
|