Tuesday, May 22, 2007
Huwag Ka Nang Umasa.
pondered last 6:19 PM
Ito ang installment ng aking dating post. Yung "Malayo Ba Ang London?". Kung hindi niyo pa nababasa't gusto niyo basahin, pakiclick na lang yung link or pakihanap sa archives.xD
Pagpasensyahan na kung mahaba at may typos.
Of course, concept's still taken from Callalily's "Magbalik". To set the mood, kung may mp3 kayo ng Magbalik, i-stop niyo yung bgm nito tapos i-play niyo yun.xD
Game.
"Huwag Ka Nang Umasa."
Ako si Louise. Sa London ako nakatira ngayon. Bakit ako marunong magtagalog? Kasi pinanganak ako sa Pilipinas pero lumipat kami dito nung walong taong gulang pa lamang ako. Matagal ko na siguro kasi hinahanap-hanap yung simoy ng hangin sa damuhan... yung mga pang-aasar sa akin... yung malaking talon na pinakita sa akin ng isang kaibigan ko noon...
Laking gulat ko na lang nang sinabi ni daddy na makikita ko na ulit lahat yun. Uuwi na kami. Regalo niya raw sa akin yun para sa aking kaarawan. Alam nilang miss na miss ko na ang Pilipinas e.
Sa lahat ng mga namiss ko sa Pinas, yung isa kong kaibigan yung pinakamatimbang. Siya lang naman halos yung naging kaibigan ko noon. Yung iba kasi, parati akong inaasar. Di ko naman alam kung bakit. Kapag ginagawa nila yun, eto si kaibigan to the rescue. Aawayin na lang niya bigla. Tanda ko rin dati, parati kaming naglalaro ng mga laruan namin noon. Ang lungkot nga lang, sira-sira na yung Barbie ko ngayon. Di na ulit kami makakapaglaro. Meron pa e. Dati natatandaan ko, dinala niya ako sa waterfalls doon sa bayan namin. Hinalikan ko nga siya noon e. Hahaha!
Gusto ko kasi siya dati. At mukhang... hanggang ngayon ganun pa rin. But sadly, I forgot his name.
Nang kami'y nag-iimpake, may nakita akong isang notebook na di ko pa nabubuklat kahit kailan. Nakalagay siya doon sa isang kahon na tinadtad ng mga gamit ko dati nang kami'y nakatira pa lamang sa Pinas. Binuklat ko ang mga pahina hanggang makarating ako sa isang pahinang punong-puno ng pangalan ko. Binuklat ko nang binuklat. Bawat buklat ko, may nakita akong babaeng nakaguhit. Lahat yun, iisang tao lang. Lahat yun, nakakorte sa mukha ko.
Hanggang sa makarating ako sa huling pahina. Nakita kong may iba nang nakalagay. Hindi na mukha ko, kundi isang sulat na may nakadikit na isang tuyong bulaklak.
Louise,
Kamusta? Siguro di mo 'to napansin 'no? Natatandaan mo ba nung pumunta tayo sa talon noon? Noong gabi nun, pinabilin ko sa katulong ninyo na ilagay 'to sa mga gamit mo. Alam ko namang hindi ka nag-aayos ng gamit mo kaya siguro kung mabasa mo 'to, nasa London ka na (kung saan man yun). Sumulat ka sakin kapag nabasa mo na 'to a. Aasahan ko yun ngayong taon.
Malamig ba dyan sa London? May snow ba? Anong lasa noon? Sabihin mo lahat sa akin kapag susulat ka na a!
Alam mo, magiging malungkot dito ngayon kasi wala ka na. Pero ayos lang yun. Mabuti nga nakasama pa kita doon sa talon. Parati ko yung bibisitahin kasi lugar natin yun. Kaya kapag nandoon ako, wala akong rason para maging malungkot.
Magbabalik ka naman siguro diba? Hihintayin kita.
Ang iyong kaibigan.
Lagot ako. Hindi ko siya nasulatan ulit. Ano kaya ang sasabihin niya kapag nagkita kami? Magagalit ba siya kasi di ako nakasulat? Malalaman ko na lang siguro yun.
Sumakay na kami ng eroplano't hindi ko pa rin matanggal sa isip ko kung ano ang gagawin ko kapag nakita ko siya. Parang, what would he think of me now? Aakalain ba niyang kinalimutan ko na siya? Matatandaan pa ba niya ako? Kahit nang nakarating na kami, ganun pa rin ang iniisip ko. At mas lalo na nang kami'y dumating na sa bayan namin. Paano na 'to...
Paglabas namin ng kotse, maraming pamilyang taga roon na bumati sa amin. Isa na sa mga yun ang pamilya ni... ni... ng kaibigan ko. Namukhaan ko agad sila kasi matagal silang nagtrabaho para sa pamilya namin. Akala ko kumpleto silang sumalubong, pero napansin kong may kulang. Si... ano. Basta siya.
Tinanong ko ang kanyang nanay kung nasaan siya. Hindi niya raw alam kung saan siya lumaboy. Basta nang sinabi niya na dadating ang pamilya namin ngayon, bigla na lang daw siyang tumakbo sa kawalan. Umaga pa raw siya nawawala. Tumakbo na ako pagkatapos sabihin sain para hanapin siya. Iniwan ko muna ang pamilya ko dun.
Ano bang meron...
Hinanap ko siya sa damuhan, wala. Malapit sa bahay namin, wala. Sa parke, wala. Siguro nasa bahay nila. Kaya pinuntahan ko. Wala siya doon, pero may iba akong nakita. Nakakita ako ng isang litrato naming dalawa sa kwarto niya. Nakatalikod yun. Kinuha ko tapos napansin ko na may nakasulat.
Alam mo naman siguro kung nasaan ako Louise. Maghihintay ako.
Binaliktad ko yung litrato pagkatapos nakita ko na kinuha yung litrato na yun sa may waterfalls malapit dito. Nakahalik ako sa pisngi niya sa litratong yun. Tandang-tanda ko pa yung araw na yun. Pero yung pangalan niya di ko matandaan.
Bigla kong naisip, "Ay tanga! Sa talon!"
Tumakbo ako papunta sa ilog. Naghanap ako ng balsa, pero wala akong nakita. Kaya linakad ko yung gilid ng ilog. Nakakainis, maputik. Pero konting tiyaga lang, sabi ko sa sarili ko. Di nagtagal, narinig ko na ang pagbuhos ng tubig. Binilisan ko pa ang pagtakbo ko hanggang sa nadapa ako. Putik-putik na nga ako e. Biglang may nakita akong kamay na nakaabot sa akin. May nagsalita bigla.
"Kailangan mo ba ng tulong, Louise?"
Pamilyar ang mukha niya sa akin. Ang maikli niyang buhok, ang kayumanggi niyang balat, ang makinis na magaspang niyang palad... Naalala ko na. "Kevin, hindi ba?" "Akala ko kinalimutan mo na ako."
Hinatak niya ako papunta sa waterfalls. Ang higpit ng paghawak niya sa mga kamay ko. Dapat nga nasasaktan ako. Pero... hindi e. Natuwa pa nga ako. 'Di nagtagal ay nakarating kami doon sa lugar kung saan kami kinunan ng litrato. Kung saan ko siya hinalikan noong kami'y bata pa lamang. Nag-usap-usap kami tungkol sa mga nangyari sa aming dalawa pagkatapos ko umalis ng Pilipinas. Ang dami kong naikwento sa kanya. Tinanong ko siya kung ano naman yung nangyari sa kanya. "...Nakahanap ako ng iba."
Nagulat na lang ako nang sinabi niya yun. Parang, nagunaw yung mundo ko sa mga salitang iyon. Akala ko ba naghintay siya...?
Tinanong ko siya kung bakit. Sinabi niya kasi raw inakala niyang hindi ko na siya gusto kasi hindi ako sumulat sa kanya. Hindi ko na nasabi na nung isang araw ko lang nakita yung sulat nia sa akin. Naisip kong, gusto ko pa rin siya mahalin. Umaasa akong magbabalik siya balang araw.
"Maghihintay ako.", sabi ko.
Natahimik ang paligid. Ang pagbuhos na lang mula sa talon halos ang naririnig.
"Huwag ka nang umasa."
Naikwento niya na may iba na siyang babaeng tinitignan. Hindi na ako. Pero malabo raw na maging sila. Hindi naman siya gusto nung babaeng yun tulad ng paggusto niya sa kanya. Pero umaasa pa rin siyang maging sila.
Nalungkot ako. Pero ayos lang yun. Alam kong malapit na ako sa kanya ngayon. Hindi imposibleng magbalik yung pagggusto niya sakin. Basta magihintay ako hanggang sa dumating ang araw na yun.
Babalik din ang "kami". Umaasa ako.
|